Sunday, May 20, 2007

Pagbabago ng Pilipinas sa Loob ng Isandaang Taon

1. Pag-ugnayin ang mahahalagang pangyayari ng ika-19 na siglo sa kontemporaryong panahon kaugnay ng makabayang/makabansang/nasyunalismong damdamin ng mga katutubong Pilipino. Ihanay din ang pagkakapareho at pagkakaiba ng makabansang/makabayang/nasyunalismong tatalakayin.

Noong ika-19 na siglo, binuksan ng Espanya ang Pilipinas sa pandaigdigang kalakalan at, kaugnay nito, sa mga lumalaganap na kaisipan sa Europa. Taong 1834 binuksan ang mga daungan ng Maynila at mula 1855 hanggang 1873, anim pang daungan ang nabuksan. Taong 1869 naman ng nabuksan ang Kanal ng Suez, na nagpaikli ng oras sa paglalakbay mula sa Europa tungong Pilipinas. Dahil dito, ang pagsasaka sa Pilipinas ay nabago mula sa dating pansariling konsumo lamang tungo sa pag-eksport ng mga cash crops tulad ng tabako, asukal, at abaka. Ang kaakibat nitong pag-usbong ng ekonomiya ay nagpayaman sa ibang mga Pilipino. Marami sa kanila ay nakapag-aral sa Maynila at sa ibang bansa.

Ang pagdating ng maraming kaisipan mula sa Europa ay nagmulat ng kamalayan sa maraming Pilipino. Hiniling nila ang maraming pagbabago sa lipunan. Isa na rito ay ang sa kaparian. Ang mga katutubo ay hindi pinapayagan na isa ma sa mga hanay ng mga pari at orden. Dahil dito, nagrebelde si Apolinario dela Cruz noong 1841. Kaya lamang ay natalo ng mga Espanyol ang mga rebelde at pinatay si dela Cruz.

Sa pagpupumilit ng mga mamamayan sa reporma, pinagbigyan ng Espanya ang ibang kahilingan para rito. Nagkaroon, bagaman sa maikling pagkakataon, ng representasyon ang Pilipinas sa Cortes (1810-1837). Noong 1863, ipinatupad ng pamahalaang Espanya ang isang batas para sa isang sistema ng pampublikong edukasyon. Isang rebolusyon nanan sa Espanya ang nagpaalis sa Reyna Isabella II sa trono noong 1868 at naitatag ang Unang Republika nito. Iniluklok si Heneral Carlos Maria de la Torre, isang liberal, bilang gobernador-heneral ng Pilipinas. Binuwag niya ang censorship at binigyan ang mga Pilipino ng mga karapatan sa pagpapahayag at pagtitipon, na naaayon sa 1869 Konstitusyon ng Espanya. Sa kasamaang palad, pinalitan agad siya ni Rafael de Izquierdo noong 1871 at tinanggal nito ang mga pagbabago.

Sa kakulangan ng pagbabago ay 200 Pilipinong sundalo ang nag-alsa sa Cavite nang sumunod na taon. Dahil dito, maraming liberal at repormista ang dinampot at ipinatapon. Inakusahan sina Padre Jose Burgos, Mariano Gomez, at Jacinto Zamora na pasimuno ng nasabing pag-aalsa. Hinatulan sila at namatay sa pamamagitan ng garote noong ika-20 ng Pebrero, 1872.

Hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang mga repormista. Inilimbag ni Jose Rizal ang mga nobela niyang Noli Me Tangere (1886) at El Filibusterismo (1891). Kahit na ipinagbawal ng mga Kastila ang mga ito, marami sa mga Pilipino ang nakapagbasa ng mga nasabing libro. Itinatag ni Graciano Lopez-Jaena ang La Solidaridad noong 1889 bilang bahagi ng Kilusang Propaganda. Nagtatag din si Rizal ng isang kilusan, ang La Liga Filipina, noong 1892. Ngunit siya ay inaresto at ipinakulong sa Dapitan. Nang malaman ang pagkaaresto ni Rizal, itinatag naman ni Andres Bonifacio ang Katipunan, na naghahangad ng kalayaan. Nalaman ng mga Espanyol ang tungkol sa Katipunan at maraming kasapi nito ang dinakip. Bilang tugon, nanawagan si Bonifacio ng pakikipaglaban sa mga Kastila, sa Sigaw ng Balintawak noong ika-26 ng Agosto, 1896.

Ang Tejeros Convention noong 1897, bumuo ang mga ilustrado ng isang pamahalaang rebolusyonaryo bilang kapalit ng Katipunan at ihinalal si Emilio Aguinaldo bilang pinuno nito. Nagkaroon ng pagkakahati sa loob ng Katipunan at ipinaaresto si Bonifacio at ipinapatay ito noong ika-10 ng Mayo, sa taon ding iyon. Nagkaroon ng isang kasunduan sa Biak-na-bato. Nagpunta sina Aguinaldo sa Hong Kong, kapalit ng US$800,000 at pagtigil ng labanan. Nakipagkasundo sila sa Estados Unidos upang labanan ang mga Espanyol.

Noong ika-25 ng Abril, 1898, idineklara ang Estados Unidos ng pakikidigma sa mga Espanyol. Hinarang ng mga Pilipino ang Maynila upang kunin mula sa mga Espanyol. Ipinahayag ni Aguinaldo ang kasarinlan ng Pilipinas noong ika-12 ng Hunyo, 1898 sa Kawit, Cavite. Ngunit ang Espanya ay nakipagkasundo sa Estados Unidos sa pagpapalit ng pamunuan sa Pilipinas. Nagkaroon ng huwad na labanan ng Maynila, na kung saan ay “nasakop” ito ng mga Amerikano noong ika-13 ng Agosto, 1898. Ibinenta ang Pilipinas, Guam, at Puerto Rico sa Estados Unidos sa halagang US$20 milyon noong ika-10 ng Disyembre, 1898 sa pamamagitan ng Kasunduan sa Paris.

Katulad sa panahong kasalukuyan ay ang mabilisang paglaganap ng mga balita at kaisipan sa buong kapuluan. Narito ang radyo, dyaryo, telebisyon, at maging ang internet. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay pinag-aaralan sa mga klase. Maraming mga libro ang nalimbag, tulad ng My Brother, My Executioner (1972) ni F. Sionil Jose, Bamboo in the Wind (1990) ni Azucena Grajo-Uranza, at iba pa. Hindi na malaki ang restriksyon sa pagpapahayag. Sa katunayan, nakasulat sa 1987 na Konstitusyon ng Pilipinas ang kalayaan sa pagpapahayag at pagtitipon, na ipinagbabawal noong panahon ng mga Kastila. Ang nakakalungkot lamang ay ang hindi pagpapatupad ng mga nasasaad na karapatang ito. Nariyan ang naideklarang CPR (na ngayo’y nabawi na) at mga pagpatay sa mga mamahayag.

Ang karapatan ng mga mamamayan sa edukasyon ay hindi pa sapat na naibibigay ng estado. Maging ito ay ginagamit upang pigilin ang mga Pilipino na maging kritikal sa mga pangyayari. Laganap pa rin ang paniniwala ng karamihan na ang pagiging matanong ng mga kabataan ay hindi nakakabuti. Sa larangan naman ng paggawa ay halos wala pa ring pagbabago. Karamihan sa mga manggagawa ay inaapi at hindi nabibigyan ng sapat na suweldo. Malaki rin ang impluwensiya ng mga mayayaman sa mga patakaran sa pamahalaan. Isa sa mga patunay rito ay ang North Expressway sa may lugar ng Pampanga at sa mga daanan sa Negros. Ang mga ito ay humahati sa kalagitnaan ng taniman ng asukal at kaakibat nito ay isang malawak na network ng mga daan sa buong lupain.

Mahirap bigyan ang mga mayayamang uri ng bahagi sa rebolusyon dahil nais nilang maprotektahan ang kanilang mga pag-aari. Sa mga kaguluhan, sila ang mawawalan ng pinakamaraming pag-aari. Sa panahon ng Rebolusyon, sinuportahan nila ang ibang mga Pilipino. Ngunit nang makita nila ang pagkakataon na magkaroon ng mga katungkulan sa ilalim ng pamamahala ng mga Amerikano, nakipagkasundo sila na tumigil sa pakikisali sa Rebolusyon. Hanggang ngayon ay mapapansin natin ang pagkiling ng mga mayayamang uri sa status quo, na kung saan ay mananatili sa kanilang pag-aari ang kanilang mga yaman.

Ani ni Guerrero, hindi pa tapos ang rebolusyon na nagsimula pa noong 1896. Ang mga kabataang Pilipino ang tagapagmana ng Rebolusyong Pilipino sa panahon ngayon.

2. Talakayin ang kalagayang pangkabuhayan at kakayanang umunlad ng mga Pilipino mula ng ika-19 na siglo hanggang sa kasalukuyan.

Ayon kay Rizal sa kaniyang sanaysay na Ang Pilipinas sa Loob ng Sandaang Taon, “dalawa lang ang patutunguhan ng Pilipinas: ang magpatuloy bilang sakop ng Espanya, ngunit may higit na mga karapatan at kaluwagan, o kaya’y magpahayag ng kanilang kasarinlan, pagkatapos magbubo ng dugo at maduguan naman ang Espanya.[3] Aniya, nangangailangan ang Pilipinas ng isang malayang pahayagan dahil “ang isang bansa’y iginagalang sa hindi pagsang-ayon ni pagtatakip sa mga pagmamalabis, kundi sa pagpaparusa’t hindi pagsang-ayon sa mga iyon”. Nangangailangan din ang mga Pilipino ng mga kinatawan, na makakatulong sa pamamahala. Kinakailangan din aniya na paunlarin ang pagtuturo at ang mahigpit at madaling paggawad ng katarungan. Ang pagkakaloob ng mga katungkulan at mga gawain ay dapat idaan sa pagsusulit; ang mga gawang isinali at ang mga pasiya ay nararapat ilathala. Naghahangad din siya ng pagbabago sa pangangalakal, pagsasaka, at iba pa.

Sinasabing ang Pilipinas ay lumaya na sa pananakop ng mga dayuhan. Ngunit ayon kay Amado Guerrero, “ang kasalukuyang Rebolusyon ay naglalayong ipakita ang soberanya ng bansa laban sa imperyalismo ng Estados Unidos at ng mga tuta nito”. Maraming mga kasunduan ang Pilipinas at Amerika na nagbibigay ng mas malaking karapatan sa mga dayuhan kaysa mga mamamayang Pilipino. Isa na rito ang Visiting Forces Agreement (VFA), na nakita natin sa balita ang kawalan ng kapangyarihan upang pilitin ang Amerika na ibigay ang hurisdiksyon sa Pilipinas ng nasasakdal na si Lance Corporal Smith. Pati sa larangan ng kalakalan, dominante ang mga dayuhan sa pamamagitan ng mga transnational corporations tulad ng mga kumpanya ng langis, mga shares sa mga kumpanya ng kuryente, komunikasyon, at iba pa.

Ang mga kinatawan sa Pilipinas ay binubuo ng mga kasapi ng Kongreso. Sila ay inihahalal ng mga mamamayan sa eleksyon bawat tatlong taon. Ang paraan ng pagpili ng mga kinatawang ito ay sa pamamagitan ng single-member plurality system, na kung saan ang pinakamaraming boto sa mga pinagpipiliang kandidato ang inilalagay sa puwesto.[6] Sa ilalim ng sistemang ito, nasasayang ang mga boto ng mga kandidatong “walang kakayahan upang manalo”. At karamihan ng mga kandidato ay mga kasapi ng mga political families, na tumatakbo bilang gobernador, kongresista, mayor, atbp. Sa kasalukuyan pa ay may dalawang kasapi ng Senado, na 24 ang kabuuang miyembro, ang mag-ina (Jinggoy at Loi Estrada). Karamihan din ng mga nasa kapangyarihan ay mga mayayaman at nasa matataas na uri.

Ang paraan ng pagtuturo sa Pilipinas ay nananatiling may bakas ng kolonyalismo. Nananatili pa rin ang pang-aapi sa mga manggagawa. Ang mga manggagawa sa mga taniman ng asukal (duma’an) sa Negros ay madalang umalis sa mga hacienda, kung kaya’t sila’y tila mga nakakulong na lamang sa lupain at hindi nawawala sa paningin ng mga supervisor ng hacienda.

Habang hindi pa nakakamit ang tunay na pagbabago sa mga larangang ito ay mananatili pa rin pag-urong ng lipunang Pilipino. Hanggang hindi pa naibibigay ang mga karapatan at tunay na kalayaan ay hindi makakamit ang pag-unlad na minimithi ni Rizal.

5. Idetalye ang Royal Decree of 1863 at ihambing sa kontemporaryong panahon at paaralang itinaguyod ni Dr. Rizal sa Dapitan. Suriin din kung naisabuhay ang ideyalismo ni Rizal sa edukasyon.

Pinagtibay ng pamahalaang Espanya ang Educational Decree of 1863, na nilagdaan ni Reyna Maria Cristina noong ika-20 ng Disyembre, 1863. Ang may-akda ng kasulatang ito ay si Don Jose de la Concha, Ministro ng mga Kolonya (Ultramar). Isinaad sa kasulatang ito (1) ang pagtatatag ng pampublikong mababang paaralan sa bawat bayan, na susustentuhan ng pamahalaan at (2) ang pagbubukas ng isang paaralang normal sa Maynila para sa mga kalalakihan.[7]

Sa kasulatang ito ay ipinapakita ang kapangyarihan ng Simbahan sa pag-aaral. Nasasaad dito na “ang mga kura paroko ang magsisilbing mga tagapamuno sa mga nasabing paaralan at sila ang magtuturo ng mga doktrinang Kristiyano”. Mapapansin din na ang edukasyon ay isang pribilehiyo, dahil “matapos ng labinlimang taon mula ng pagkakatatag ng paaralan sa bawat pamayanan, walang katutubong hindi marunong magsalita, magbasa, o magsulat ng wikang Kastila ang magiging bahagi ng principalia, maliban na lamang kung ito ay kanilang namana”.[8]

Itinatag ng Pamahalaang Rebolusyonaryo, sa pamumuno ni Aguinaldo, ang Burgos Institute sa Malolos, ang Military Academy ng Malolos, at ang Literary University of the Philippines. Sa ilalim ng Konstitusyong Malolos, pinagtibay ang isang sistema ng paaralang elementarya na walang bayad.[9] Sa kasalukuyang Konstitusyon, binibigyang-diin ang katungkulan ng Estado sa pagbibigay ng magandang uri ng edukasyon para sa mga mamamayan.[10] Noong 2001, pinagtibay ng Kongreso ang batas na naglalayon na lahat ng kabataang Pilipino ay may karapatan sa edukasyon sa mababa at mataas na paaralan nang walang bayad. Sinasabi rin dito na ang Estado ay bibigyang-daan ang mga lokal na namumuno sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon.[11]

Isinulat ni Rizal sa La Instruccion na mas kinakailangan ang isang taong masipag at nagmamahal sa kanyang kapwa kaysa isang palagiang nagdarasal nang hindi naiintindihan ang kaniyang sinasabi. Mas mainam na palitan ang mga librong tungkol sa mga moral at ang ibigay sa isang bata ay ang mga libro tungkol sa kasaysayan at heograpiya ng Pilipinas at mga kasulatan tungkol sa pagsasaka, na nakasulat sa wikang kanyang naiintindihan, dahil karamihan ng mga Pilipino ay nabubuhay sa pagsasaka. Kahit na ang payak na pamamaraang ito ay sapat na upang ipaalam ang kahalagahan ng edukasyon at ng pag-unlad.[4,12] Sinabi niya sa “Sobre de la Indolencia del Filipino” na ginamit ang edukasyon para maliitin ang mga Pilipino. Tinuturuan sila upang maging matiisin at sundin ang mga prayle.[4]

Naghangad si Rizal ng isang “Colegio Moderno” para sa mga kabataang kalalakihan at gumawa ng mga paksang ituturo: matematika, kasaysayan, wikang dayuhan (kasama na ang Intsik), sining (pagkanta, pagguhit at pagsayaw), at palakasan (gymnastics, eskrima, paglangoy, at pangangabayo). Naglalayon siyang ang ituturo sa paaralang ito ay ang mga moral, pag-aaral sa mga relihiyon, natural law, civil law, deportment, at kalinisan ng pangangatawan. Ayon kay Rizal, “dapat ang paaralan ay nagbibigay ng mga pagpipilian, na kung saan ang mga mag-aaral ay ang maghahanap ng kaniyang sariling daan para sa magandang kinabukasan”.[4]

Hanggang sa kasalukuyang panahon, ang nilalaman ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay hindi nagbabago. Ang katungkulan ng pamahalaan sa edukasyon bilang tagapagbigay ng kaalaman sa mamamayan upang ito’y magamit sa pag-unlad ng bayan ay napalitan ng pagbibigay ng tugon sa kakulangan ng manggagawa sa ibang bansa.[13] Masasabi nating bigo pa rin ang pamahalaan upang tugunan ang tungkulin nito sa edukasyon ng mamamayan. Ang nilalaman ng Educational Decree of 1863 noong panahon ng pananakop ng mga Kastila hanggang sa RA 9155 sa kasalukuyan ay nananatiling hindi pa rin naisasakatuparan. Maraming mga kabataan ang hindi nakakapag-aral. May 84.41% lamang ng kabuuan ang nakakapag-aral sa elementarya samantalang 58.20% naman sa sekundarya ang nakakapasok sa mga paaralan; 267 barangay ang walang mababang paaralan, habang apat na bayan ang wala pang mataas na paaralan.[14]

Nakalipas na ang isandaang taon, ngunit ang mga hangarin ni Rizal noong ika-19 siglo ay nananatili pa rin magpahanggang-ngayon.

6. Ipaliwanag ang panlipunang hustisya at panlipunang pagbabago sa konteksto ng mga uri mula sa Rebolusyong 1896 (ika-19 na siglo) hanggang sa pormula ng panlipunang pagbabago ni Amado Guerrero (sa kontemporaryong panahon).

Noong 1970, inilathala ni Amado Guerrero (Jose Ma. Sison) ang kaniyang akdang Philippine Society and Revolution (Lipunang Pilipino at Rebolusyon). Inilalarawan niya rito ang pagkakapareho ng kalagayan ng mga mamamayan sa panahon ng pananakop ng mga Kastila at sa kasalukuyang panahon. Ayon sa kaniya, “ang Pilipinas ay isang semi-piyudal at semi-kolonyal na lipunan”.[2]

Ang piyudalismo ay sistemang panlipunan na ang pangunahing paraan ng pamumuhay ay pagsasaka; ang pang-aalipin ay hindi na makikita sa lipunang ito ngunit ang mga magsasaka ay nakatali sa lupa sa isang katulad na pamamaraan; at ang maykapangyarihan ay iilan at namumuno sa pamamagitan ng paggamit ng mga hukbo.[15] Ang kolonyalismo naman ay isang gawaing pang-aalila ng isang grupo sa iba. Karaniwang sinasabi na ito ay kasingkahulugan ng imperyalismo. Ngunit sa kolonyalismo ay nagkakaroon ng isang malaking komunidad ng mga mananakop sa isang lugar na kanilang sinasakupan, habang ang isang imperyalistang bansa ay namumuno sa iba kahit na wala itong komunidad sa lugar na kaniyang sinasakop.[16]

Ang mga mananakop na Kastila ay hinati ang Pilipinas sa mga encomienda. Ito ay mga malalawak na lupain na iginagawad sa mga namumuno at sa mga prayle bilang pabuya sa kanilang pagpapasunod sa mga katutubo. Ang mga encomiendero (pinuno ng encomienda) ay naniningil ng buwis, nagtatag ng mga sariling hukbo, at nang-alipin ng mga katutubo bilang manggagawa sa kanilang mga lupain. Kanila ring ninanakaw ang mga karatig-lupain na pagmamay-ari ng karaniwang mamamayan. Ang lipunan sa panahon na iyon ay pinamumunuan ng mga panginoong maylupa, habang ang mga karaniwang mamamayan, malaya man o hindi, ay naipasailalim sa kanilang kapangyarihan.

Ang paglago ng kalakalan ng Espanya sa ibang bansa ay nagtulak sa pagiging commodity economy ng bansa. Pinalawig nila ang pananamantala sa mga mamamayan sa pamamagitan ng hacienda system, pagnanakaw ng mga lupain, at pagtataas ng singil ng buwis. Sa pamamagitan ng mga monopolyo ay nadiktahan nila ang mga halaga ng mga pananim, na lalong nagpahirap sa mga magsasaka at nagpayaman sa mga haciendero. Ang ibang mga principalia ay nagkaroon din ng bahagi sa kayamanan na nakamit ng mga maylupa. Sila ay nagkaroon ng sariling lupain o kaya nama’y naging mga taga-upa ng mga nasabing lupain. Dumami rin ang mga ilustrado o mga nakapag-aral sa hanay ng mga indio.

Ngunit, kahit na ang dumaranas ng matinding pananamantala sa panahon ng pananakop ay ang masa, hindi pa rin ganap na naging malaya ang mga principalia. Naging kabahagi rin sila sa pagpapahirap sa masa, pero sila rin ay ginipit ng mga prayle at ng mga namumuno. Dahil dito, may mga ilustrado na nagtungo sa Espanya upang ihayag ang kanilang hangarin na gawing isang probinsya ang Pilipinas. Nanawagan sila ng reporma, ng kinatawan ng Pilipinas sa Cortes (parlamento), at mga karapatang kapantay sa mga Espanyol. Nang hindi pinagbigyan ang kanilang mga kahilingan at hinuli at ipinatapon si Rizal sa Dapitan, pinamunuan ni Bonifacio ang Rebolusyon ng 1896 para sa kasarinlan.

Hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin ang ganitong pagkakahati ng mga uri, bagaman may mga kaunting pagbabago. Ayon kay Guerrero, nahahati ang lipunang Pilipino sa mga sumusunod na uri: ang panginoong maylupa, mga burgis, mga magsasaka, at mga manggagawa. Tulad noong panahon sa ilalim nga mga Kastila, ang mga kabilang sa uri ng panginoong maylupa ay ang mga may-ari ng mga malalawak na lupain. Hindi sila kasali sa paggawa at kumikita sila sa pamamagitan ng pagsingil ng paupa sa kanilang mga lupa.

Ang mga burgis ay nahahati sa tatlong uri: mga comprador, ang panggitnang uri, at ang petty na uri. Ang mga comprador ay ang pinakamayayaman at nananaig sa kasalukuyang sistema ng pulitika sa bansa. Ang mga panggitna ay mga mangangalakal na naghahangad ng “nationalist industrialization”. Kadalasan, sila’y inaapi ng mga mas matataas na uri, ngunit ang iba nama’y nakikisama sa mga ito dahil sila’y natatakot sa pananaig ng mga mas mabababang uri. Ang mga petty ay ang pinakamababang uri at pinakamarami sa mga burgis. Kabilang sa kanila ang mga guro, kabataang mag-aaral, atbp. Nahahati rin ito sa mataas, gitna, at mababang uri.

Ang mga magsasaka ay binubuo ng halos 75% ng mamamayang Pilipino. Sila ang pinakamalaking bahagi ng ekonomiya ng bansa. Nahahati sila sa tatlong uri: mga mayayaman, panggitna, at mahihirap. Ang mga manggagawa naman ay bumubuo ng halos 15% ng mamamayang Pilipino. Sila ay kadalasang inaapi at binibigyan ng mabibigat na trabaho para lumaki ang kita ng mga kumpanya, kaya lamang ay hindi sapat ang kanilang mga natatanggap na suweldo.

Ayon kay Guerrero, rebolusyong agraryo ang kinakailangan upang sirain ang imperyalismo at piyudalismo sa bansa. Aniya, ito ang sisira sa ugnayan ng imperyalismo at piyudalismo at magtatanggal ng pundasyon nito. Ngunit sa ngayon, hindi pa nakakamit ang tunay na reporma sa lupa. Ang hangaring ipamahagi sa mga magsasaka ang lupa mula sa mga may-ari nito ay hindi pa naisasakatuparan hanggang sa ngayon. Ang “leaseholdagreement na kalimitang ginagawa ay pinipilit ang magsasaka na gastusan ang halos lahat ng bayarin para sa pagsasaka. Hindi nito tinatanggal ang paupa sa lupa, bagkus ay naiba lamang ang katawagan.

Para sa rebolusyon, kailangan ng pag-suporta ng mamamayan upang ito ay magwagi. Sa paraang ito, ang mga magsasaka at mga manggagawa ang pinakamaaasahan. Ang mga magsasaka ay ang pinakamarami at pinakainaapi sa piyudalismong lipunan, habang ang mga manggagawa ay pinaka-organisado at disiplinado. Sa mga burgis, ang mga panggitna ay nahahati sa dalawa. May mga naaapi na maaaring kasama sa rebolusyon habang may mga sumasali naman sa kontra-rebolusyon dahil sa takot nila sa masa at sa ugnayan nila sa mga comprador. Ang mga petty ay isa sa pinakamahalagang bahagi dahil sila ay ang mga nakapag-aral at kritikal sa mga pangyayari. Ang mga kabataang mag-aaral ay malaking puwersa upang mapalaganap ang propaganda.

Mga Sanggunian:

[1] Weir, Fraser. A Centennial History of Philippine Independence, 1898-1998. Available online: http://www.ualberta.ca/~vmitchel/.

[2] Sison, Jose Ma. (Amado Guerrero). Philippine Society and Revolution. 1970. Available online: http://www.geocities.com/kabataangmakabayan64/psr.pdf

[3] Zaide, Gregorio at Zaide, Sonia. Jose Rizal: Buhay, mga Ginawa at mga Sinulat ng Isang Henyo, Manunulat, Siyentipiko at Pambansang Bayani. Quezon City: All-Nations Publishing Co., Inc, 1997.

[4] Tan, Michael L. Rizal, Roco, and Robin. http://pinoykasi.homestead.com/files/2001articles/06192001_Rizalrocorobin.htm (June 2001).

[5] Larkin, John A. Sugar and the Origins of Modern Philippine Society. Berkeley: University of California Press, 1993. http://ark.cdlib.org/ark:/13030/ft4580066d/. Also available online at: http://content.cdlib.org/xtf/view?docId=ft4580066d&chunk.id=d0e59&toc.depth=1&toc.id=d0e59&brand=eschol.

[6] Jackson, Robert at Jackson, Doreen. A Comparative Introduction to Political Science. Singapore: Pearson Education, Asia Pte Ltd., 2002.

[7] Zaide, Gregorio F. Pagsanjan, In History and Legend. 1975. Available online: http://www.pagsanjan.org/hometown/historychap5_pg3.html.

[8] Demetrio, FP III. The Primitivization of the Indio Mind and the Explosion of Rationalities: The Politics of Knowledge in the Spanish Colonial Philippines. http://www.geocities.com/philodept/diwatao/primitivization_of_indio_mind.htm (2001).

[9] Department of Education. Historical Perspective of the Philippine Educational System. http://www.deped.gov.ph/about_deped/history.asp. (2007).

[10] The 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, Article 14, Section 1. Available online: http://www.chanrobles.com/article14.htm

[11] Republic Act No. 9155: An Act Instituting a Framework of Governance for Basic Education, Establishing Authority and Accountability, renaming the Department of Education, Culture and Sports as the Department of Education, and for other purposes. Congress of the Philippines. 2001. Available online: http://www.deped.gov.ph/cpanel/uploads/RA-9155.pdf

[12] Ocampo, Ambeth. Rizal’s Prophetic Essay on Education. Philippine Daily Inquirer (October 2001).

[13] Guillermo, Ramon. Rationalizing Failures: the Philippine Government in the Education Sector. Education for Development Magazine, Ibon Databank. December 1997. Available online: http://www.skyinet.net/~courage/position/act-edanalysis.htm.

[14] Department of Education. Basic Education Statistics (2005-2006). Available online: http://www.deped.gov.ph/cpanel/uploads/issuanceImg/factsheet2007(Feb20).pdf.

[15] Internet Medieval Sourcebook. http://www.fordham.edu/halsall/sbook1i.html (1996).

[16] Kohn, Margaret. Colonialism. http://plato.stanford.edu/entries/colonialism/ (2006).

6 comments:

cEejAy said...

salamat nakatulong siya sa paper ko...=)

Miss Mara said...

Nktulong naman s report
Educational decree of 1863

Miss Mara said...

Sana more on details p abt that topic hehe

Unknown said...

Malaki ang tulong nito para sa aming mga kabataan o estudyante na naghahangad na mapalawak ang kaalaman ukol sa mga bagay-bagay o pangyayari sa nakaraan.

Unknown said...

Thank you

Unknown said...

Good piece of information..